PatrolPH

Mahigit 4,000 bakwit sa Quezon City, hindi pa rin nakakauwi

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 06:37 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Mahigit 4,000 evacuees sa Quezon City ang hindi pa rin nakakauwi sa kabila ng bahagyang pagbuti ng lagay ng panahon nitong Lunes.

May ibang mga lugar kasi na hanggang ngayon ay lubog pa rin sa baha at putik, bunsod ng sunod-sunod na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

May ibang mga barangay naman gaya ng Masambong ang hindi muna nagpapauwi ng kanilang residente lalo na sa mga lugar na mabilis tumaas ang lebel ng tubig.

Sa pinakahuling tala ng lokal na pamahalaan, nasa 4,164 na indibidwal — katumbas ng 1,167 na pamilya — ang patuloy pa ring nanunuluyan sa 29 na evacuation centers sa lungsod. 

Ang may pinakamaraming evacuees ay ang Barangay Bagong Silangan na may 479 families o 2,014 individuals. 

May mga modular tents sa mga evacuation center upang mahigpit na maipatupad ang physical distancing.

Kapag naman eskwelahan ang nagsisilbing evaucation center ay dapat nasa 3 hanggang 4 na pamilya lang pwede sa bawat kwarto upang mahigpit na maipatupad ang physical distancing.

Sagot na ng lokal na pamahalaan ang pagkain at iba pang assistance na kailangan ng mga evacuees.

Paalala ng Quezon City disaster risk reduction and management office na hindi pa puwedeng bumalik ang mga residente sa kani-kanilang mga bahay hangga't wala pa silang binibigay na clearance. 

Sa ngayon ay puspusan na rin ang paglilinis ng mga tauhan ng Quezon City river-waste clearing operations group at ng mga tauhan ng DRRMO sa mga kalsada at iba pang lugar na lubos na naapektuhan ng pag-ulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.