PatrolPH

Lalaking nangingisda sa Aklan River, nalunod

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 03:05 AM

Isang lalaki ang nalunod sa Aklan River matapos mangisda sa Barangay Mina sa bayan ng Lezo sa Aklan Lunes ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Randy Alferes, 40 taong gulang at nakatira sa Baranagay Jumarap sa bayan ng Banga.

Sa imbestigasyon ng Lezo Police, sakay sa isang balsa na gawa sa kawayan ang biktima kasama ang pitong kaibigan para mangisda sa ilog pero pagdating sa gitna ng ilog ay tumagilid ang balsa at nahulog ang isang kasamahan ng biktima.

Kaagad na tinulungan ni Alferes ang kasamahan na nahulog at nailigtas ito pero tinangay ng malakas na agos ng tubig ang biktima at hindi na nakita.

Mabilis na humingi ng tulong ang mga kasamahan ng biktima sa mga awtoridad.

Nagsagawa ng search and rescue operation mga awtoridad sa lugar kung saan huling nakita ang katawan ng biktima.

Umabot ng limang oras ang paghahanap ng mga awtoridad sa biktima bago makita ang katawan nito.

Sinubukan pa na dalhin ng mga awtoridad sa ospital ang biktima pero idineklara itong dead on arrival ng doktor.

- ulat ni Rolen Escaniel

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.