Naghihintay ng sakay ang ilang commuter sa EDSA Bus Carousel sa Quezon City noong Hunyo 30, 2021. Sa kaniyang State of the Nation Address, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na pahirap ang mag-commute dahil sa infrastructure projects ng gobyerno - bagay na inalmahan ng ilang grupo. Mark Demayo, ABS-CBN News
MAYNILA - Pumalag ang ilang grupo sa pahayag ni Duterte sa kaniyang huling State of the Nation Address na tinaggal ng kaniyang administrasyon ang pagdurusa sa pagko-commute.
Sa isang pahayag, sinabi ng Commuters of the Philippines na kulang ang nasasakyang pampublikong transportasyon at hindi rin dapat ibase sa datos ngayon ang kaginhawahan ng pagko-commute lalo na at marami ang travel restrictions.
"Other public transport modes actually deteriorated and public transport supply further aggravated by lack of PUVs and the reduced capacity due to the pandemic on the road. Also a good number of people are not commuting due to the pandemic so data about commuting is inaccurate at best," anila.
Para naman sa grupong Infrawatch, kailangan makita mismo ni Duterte ang kalagayan ng mga commuter, partikular na sa EDSA.
"Hindi natin makita kung saang planeta galing ang Pangulo para sabihin niya na na-decongest na ang EDSA. Nakita po natin despite pandemic, despite work from home restrictions, and online classes, talagang rush hour po very heavy pa rin ang traffic sa Edsa. Hindi ba siya dumadaan sa EDSA that the public is still suffering in the misery of traffic in the last few months in the last few weeks," ani Terry Ridon ng grupo.
Pero para sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), tama ang pahayag ni Duterte.
Hindi man nawala anila pero naibsan ang hirap ng pagko-commute.
"Ang sikreto kasi sa heavy traffic is mass transport system, MRT LRT the buses in that respect 'yung bus carousel yung MRT3, LRT. Imagine-in niyo na lang kung walang pandemic ngayon wala tayong bus carousel siguro hindi tayo ganu'n kakomportable plus infra na ginagawa, in that sense tama ang presidente. At ako’y naniniwala as a (MMDA) Chairman, I've seen in in my own two eyes. Tama ang president we have greatly eased it (commuting)," ani MMDA Chairman Benhur Abalos.
Dumami rin aniya ang bilang ng tren at MRT-3 at bumilis din ang takbo nito.
Sa kaniyang SONA, ipinagmalaki ni Duterte na tanggal na ang pagdurusa ng mga commuter sa tulong umano ng mga infrastructure project gaya ng pagsasaayos ng mga tren ng MRT-3.
"We have taken away the misery of commuting," aniya.
Matatandaan na binuksan kamakailan ang linya ng LRT-2 papuntang Antipolo, at umarangkada na ang operasyon ng Skyway Stage 3.
Pero kamakailan din ay nilagyan din ng bayad ang EDSA Bus Carousel, matapos mapaso ang patakarang gawin itong libre dahil napaso na ang Bayanihan 2 na siyang pinagkukuhanan ng pondo nito.
Dahil dito, napilitang magbayad ang mga commuter.
-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, commuters, commuters group, EDSA Bus Carousel, bus, EDSA buses, Bayanihan 2, SONA 2021, 2021 SONA, President Rodrigo Duterte