PatrolPH

2 patay sa hiwalay na insidente ng pamamaril at pananaksak sa Davao de Oro

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 11:24 AM | Updated as of Jul 27 2021 02:48 PM

Dalawang lalaki ang pinaslang sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril at pananaksak habang nag-inuman sa lalawigan ng Davao de Oro.

Pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang salarin ang 38-anyos na negosyanteng si Glen Guanzon sa Barangay Camanlangan sa bayan ng New Bataan, Linggo ng gabi.

Ayon sa pulisya, nakipag-inuman ang biktima kasama ang dalawang kaibigan sa kanilang bahay.

Binato umano ang bahay ng biktima kaya lumabas itong may bitbit na patalim.

Pero habang nasa bakuran na ang biktima, umalingawngaw ang ilang putok ng baril. Nakita na lamang siyang nakahandusay at may mga tama ng bala.

Aabot sa 27 na basyo ng bala ang narekober ng pulisya sa lugar.

Tinutukoy pa ng awtoridad ang motibo at kung sino ang nasa likod ng pamamaril.

Samantala, pinagsasaksak naman ang 30-anyos na construction worker na si Albert Bacor sa Barangay Maparat sa bayan ng Compostela, Lunes ng gabi.

Nakikipag-inuman umano ang biktima kasama ang anim pang mga lalaki sa loob ng bahay.

Ayon sa pulisya, matapos ang isang oras sa inuman, bigla na lang inundayan ng saksak ng isa sa mga lalaki ang biktima na nagresulta sa pagkamatay nito. 

Tinutugis na ngayon ng pulisya ang suspek at inaalam ang motibo sa krimen.

- Ulat ni Hernel Tocmo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.