PatrolPH

2 aktibistang magsasaka patay sa pamamaril ng pulisya sa Albay

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2021 04:08 PM | Updated as of Jul 27 2021 08:03 PM

2 aktibistang magsasaka patay sa pamamaril ng pulisya sa Albay 1
Contributed photo

Patay sa pamamaril ng pulisya ang 2 aktibistang magsasaka sa Banao bridge sa bayan ng Guinobatan, Albay nitong Lunes ng madaling araw. 

Sa ulat ng Police Provincial Office ng Albay, nabaril ang dalawa dahil bigla umanong pinaputukan ng mga ito ang rumu-rondang patrol car.

Naaktuhan raw silang nagba-vandalize gamit ang spray paint sa kahabaan ng Banao bridge sa nasabing bayan.

Isinugod sa ospital ang mga biktima pero tuluyan na silang binawian ng buhay.

Watch more on iWantTFC

"DUTERTE IBAGS" ang naisulat na mga kataga ng mga ito. Ayon sa pulis, posibleng "DUTERTE IBAGSAK" ang mensaheng nais nilang maiparating. 

"Hindi pa nakakababa 'yung mga pulis sa patrol car, pinaputukan na nitong dalawa. Kasi nga sisitahin pa lang sana sila," ani Police Maj. Joseph Jarabejo, hepe ng Guinobatan Municipal Police Station.

"'Yung vandalism nila, siguro in line with the (State of the Nation Address) ni President Duterte kahapon," dagdag pa niya.

Anila, narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kalibre 45 na baril, 38 rebolber, mga basyo ng bala at ang gamit na motorsiklo ng mga biktima. 

Kinumpirma ni Bayan Bicol spokesperson Vince Casilihan na parehong magsasaka at miyembro ng progresibong grupo sa Albay ang dalawang namatay na kinilalang sina Marlon Napire, 40, ng Barangay Bololo, Guinobatan at Jaymar Flor Paler, 22, ng Barangay Catomag, Guinobatan.

"Direktang atake ito sa karapatang pantao at matinding paglabag sa karapatang pagpapahayag. Malinaw na malinaw na pananagutan ito ng kapulisan," aniya. 

"Hindi kami naniniwala na nanlaban ang mga ito kasi spray paint at hindi baril ang dala ng mga ito. Ito ay hindi simpleng vandalism kundi ito ay pagpapahayag. Pintura ang bitbit nila para iparating sa pamahalaan yung discontent na nararamdaman hindi lang nila kundi ng buong organisasyon."

Ayon sa grupo, tutulungan nila ang pamilya ng mga nasawi para makamit ang hustisya sa pangyayari.

—Ulat ni Karren Canon

MULA SA ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.