MAYNILA — Patay ang direktor ng National Center for Mental Health (NCMH) at isa pang kasamahan nito matapos silang tambangan nitong umaga ng Lunes sa Quezon City.
Ang biktima ay si NCMH chief Dr. Roland Cortez at isa ring empleyado ng institusyon na si Ernesto Delacruz.
Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang ambush bandang alas-7 ng umaga sa Barangay Culiat.
Ayon kay Police Staff Sgt. Rowen Insecto ng Quezon City Police District (QCPD) station 3, habang nagpapatrolya ang mga pulis sa bahagi ng Cassanova Drive corner Tandang Sora Avenue ay naabutan ng mga ito ang isang kulay pulang Toyota Vios na sumampa sa bangketa.
Nang siyasatin, tumambad ang 2 walang buhay na biktima na may mga tama ng bala.
Ayon sa isang saksi na tricycle driver, sakay ng motorsiklo ang 2 salarin. Kinatok umano ng 1 sa mga ito ang pintuan ng sasakyan ni Cortez at nang buksan ay doon na sila pinaulanan ng bala.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa motibo sa pamamaslang. —Mula sa ulat nina Gillan Ropero at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, krimen, National Center for Mental Health, Roland Cortez, Ernesto Dela Cruz, Ambush, NCMH, pananambang, TV PATROL, TV PATROL TOP