Nasa 9 na stranded sa Rizal Stadium positibo sa rapid test

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2020 01:47 PM | Updated as of Jul 27 2020 01:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa walo hanggang siyam na locally-stranded individual (LSI) na namalagi sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila ang nagpositibo sa rapid test para sa coronavirus disease coronavirus disease (COVID-19).

Kinumpirma ito sa ABS-CBN News ni Hatid Tulong program lead convenor Joseph Encabo.

Ayon kay Encabo, agad in-isolate at isinailalim sa confirmatory test ang mga nagpositibo.

Natukoy na rin umano ang close contacts ng mga nagpositibong LSI at naabisuhan na ang mga local government unit na pupuntahan ng mga ito.

Ang mga magpopositibo sa confirmatory swab test ay dadalhin sa quarantine facility habang ang mga magnenegatibo naman ay papayagang bumiyahe kasunod ng assessment ng doktor.

Umabot na sa 3,800 LSI ang napauwi ng Hatid Tulong program, base sa tala Linggo ng gabi.

Sa ngayon, aabot pa sa 1,200 uuwi sa Caraga region ang sama-samang nakikisilong sa Rizal Memorial Stadium.

Ayon kay Encabo, naantala ang biyahe ng mga LSI nang magkaroon ng cut-off ang mga local government unit.

Sinabayan din umano ang pagkakaroon ng cut-off ng pagdami ng mga tao sa stadium dahil dumagsa ang mga walk-in na gustong umuwi rin ng kanilang mga probinsiya.

Aminado naman si Encabo na naging mahirap ang pagsunod ng physical distancing sa loob ng stadium.

"Dahil po sa pagbagsak ng ulan ay talagang kailangan naming maisilong ang mga tao... kaya po nagkumpulan ang ating mga kababayang LSIs dahil mabilisan po ang ating aksyon," ani Encabo.

"Ngunit nagkaroon din ng pagkakataong naiayos namin sa loob ng stadium yung mga tao," dagdag niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.