'Naipong galit': Nanggagalaiting misis sinunog ang mister sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2020 08:16 PM | Updated as of Jul 28 2020 07:33 PM

Kuha ng Sta. Rita MPS

STA RITA, Pampanga (UPDATE)— Patay ang isang lalaki sa bayan ng Sta. Rita, Pampanga matapos siyang silaban ng buhay ng kaniyang nanggagalaiting misis. 

Batay sa ulat ng pulisya, nangyari ang krimen noong Linggo ng madaling araw. 

Kinilala ang suspek na si alyas "Gigi," 24. Sabi niya, nais lang sana niyang turuan ng leksyon ang asawa. Bukod kasi umano sa pambababae, palagi raw siyang minumura at sinasaktan ng mister.

Habang natutulog sila sa kanilang bahay sa Barangay San Isidro ay nagdilim umano ang paningin ni Gigi. Binuhusan niya ng gasolina ang asawa at saka sinindihan gamit ang lighter.

"...Para matauhan siya na huwag na niya akong balikan, 'wag na niya akong pinupuntahan. May nakita lang akong nagliyab eh, hindi ko siya nakita. Umalis na ko,” ani Gigi.

Nagsisi ang suspek sa nagawa niyang krimen.

“Hindi ko naman alam na mamamatay siya, sa totoo lang sana ako na lang ang namatay,” aniya.

Hindi tuluyang natupok ng apoy ang bahay, pero nalapnos ang buong katawan ng biktima. Naisugod pa ang mister sa ospital, pero binawian din ng buhay.

Ayon kay Police Col. Jean Fajardo, director ng Pampanga Provincial Police Office, matagal na ang pag-aaway ng magasawa.

“Ang sinasabi po, matagal na po yung kanilang problemang mag-asawa paulit-ulit po. Minumura po siya lalo't kapag nakakainom at hindi po tumitigil ng pambababae," ani Fajardo.

"Bago po nangyari ang insidenteng iyon, diumano nakipag-inuman po ang kanyang mister at kasama pa po yung sinasabing babae ng kanyang mister.”

Sasampahan si Gigi ng kasong parricide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.