PatrolPH

Malakas na ulan, nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Cagayan de Oro

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2020 10:30 PM | Updated as of Jul 28 2020 01:32 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Cagayan de Oro City ang malakas na pag-ulang naranasan sa lungsod Lunes ng hapon.

Sa kuha ni Catherine Sambajon, makikita ang malakas na agos ng tubig sa kalsada sa Barangay Lumbia.

 

May ilang bahay na pinasok rin ng tubig. Nagsimula ang pagbuhos ng ulan pasado alas-2 ng hapon at tumigil rin makalipas ang halos tatlong oras.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction and Management Department (CDRRMD), mayroong lumang creek sa lugar na tinayuan na ng mga bahay. Kaya kung malakas ang ulan, bumababa ang tubig mula sa bundok at dumadaan sa dating daluyan ng tubig.

“Old creek ang lugar na natuyuan ng tubig kay tinayuan ng mga bahay. Kapag malakas ang ulan, diyan dumadaan ang tubig,” sabi ni Nick Jabagat, hepe ng CDRRMD. 

(Old creek ang lugar na yan na mayroon nang mga bahay ngayon. Kapag malakas ang ulan, diyan dumadaan ang tubig.)

Humupa rin ang tubig nang tumigil ang ulan.

Wala naman naiulat na nasirang ari-arian dahil sa pagbaha at wala ring lumikas sa kanilang bahay.

Maliban sa Barangay Lumbia, umapaw din ang tubig sa Kauswagan Highway at JR Borja Extension dahil sa pag-apaw ng tubig sa kanal. Nagdulot ito ng pagkabuhol-buhol ng trapiko.

Sa advisory ng PAGASA, nakaranas ng pag-ulan ang ibang bahagi ng Mindanao bunsod ng umiiral na Intertropical Convergence Zone.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.