Magsasaka sa Camarines Norte patay matapos umanong suwagin ng kalabaw

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2020 07:19 PM

PARACALE, Camarines Norte — Patay ang isang 61-anyos na magsasaka dito matapos umano suwagin ng kaniyang alagang kalabaw. 

Ayon sa Paracale police, pasado alas-10 noong Linggo ng umaga nang madiskubre ang walang nang buhay si Arnold Bonito.

Sa madamong bahagi ng Sitio Malapingan sa Barangay Pinagbirayan Munti nakita ang bangkay ng senior citizen. Anim na kilometro ang distansya nito mula sa kaniyang tirahan. 

Dahil sa klase ng mga sugat na tinamo nito, pinaniniwalaan na ang alaga nitong kalabaw ang sanhi ng pagkamatay. 

"Ang suspek nila 'yung kalabaw at matapang daw 'yung dalawang inaalagaan na kalabaw nitong may-ari," ani Police Maj. Elezaldy Calingacion, acting chief ng Paracale police. 

Dagdag ni Calingacion, plano na ngayong ibenta ng mga kaanak ni Bonito ang kalabaw na hinihinalang may sala. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.