PatrolPH

Higit 30 naaresto dahil sa protestang may kinalaman sa SONA: NCRPO

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2020 06:45 PM

MAYNILA — Umakyat na sa 34 ang inaresto ng pulisya nitong Lunes bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, ayon sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa isang press conference, sinabi ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas na matapos arestuhin ang 5 miyembro ng PISTON na sakay ng jeep nitong umaga sa Quezon City, nasundan pa ito ng 5 sakay rin ng jeep sa Caloocan at 24 na sakay ng isang van sa Marikina.

Patungo rin sa kilos protesta sa University of the Philippines Diliman ang 5 inaresto sa Caloocan na hinuli dahil sakay sila ng jeep na ipinagbabawal na bumiyahe.

Samantala, hindi pa malinaw kung mga militante rin ang 24 na inaresto sa Marikina, na inaresto naman dahil overloaded ang sinakyang van.

Nakakulong ang 5 inaresto sa QC sa Camp Karingal, sa Caloocan police station naman ang 5 hinuli sa Caloocan, at sa Marikina police station naman ang 24.

Hindi pa nilinaw ni Sinas ang mga reklamong isasampa laban sa kanila.


—Mula sa ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.