PANOORIN: Eleazar nanggigil sa NPD pulis na dawit umano sa droga

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 05:31 PM | Updated as of Jul 28 2019 10:43 AM

MAYNILA—Hindi na nakapagtimpi si Police Maj. Gen. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nang makaharap nitong Sabado ang isang patrolman na umano'y dawit sa droga.

"Kahiya-hiya ka. Ikaw ang nagpapasira sa imahe ng pulis. Kaya mo bang ipakain sa pamilya mo 'yun?" ani Eleazar nang komprontahin ang patrolman na nakadestino sa District Police Intelligence Operation Unit (DPIOU) ng Northern Police District (NPD).

Ang nasabing pulis ay inaresto matapos umano itong pangalanan ng mga nahuli sa buy-bust Sabado ng umaga.

"Recruited 16 years ago pero patrolman pa rin. May mga reports na involved sa droga ito," ani Eleazar.

Nakapiit ang pulis sa Northern Police District sa Valenzuela City kasama ang 3 suspek na natimbog sa buy-bust.

"Isasama natin ito sa moral recovery program sa Subic," sabi ng NCRPO chief.

Itinanggi naman ng suspek ang mga paratang sa kaniya.

"Kahit hirap na hirap ako hindi ako ganu'n. Hindi naman totoo," sambit ng pulis. —Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.