P4.5-M halaga ng 'shabu' nasamsam sa mag-live-in partner sa Cebu City

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 03:36 PM

Sa kulungan ang bagsak ng mag-live-in partner matapos mahuli sa isang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Buhisan sa Cebu City, Biyernes ng gabi. 

Ayon sa Cebu City Police Office Station 6, agad na naaresto ang dalawang suspek sa bahay na binabantayan nila nang tanggapin umano ang boodle money mula sa police asset. 

Aabot sa P4.5 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska sa kanila. 

Parehong nasa drug watchlist ang mga suspek na nag-operate umano sa mga barangay sa Cebu City. 

Inaalam pa ng mga pulis ang impormasyon na nakikipag-ugnayan ang mga suspek sa isang preso sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City na umano'y nagpapatakbo sa operasyon nila. 

Ayon naman sa barangay captain na si Gremar Barete, hindi residente ng kanilang barangay ang nahuli. 

Sa ngayon inaalam pa ng pulis kung sino ang supplier ng nakuhang shabu at ang posible pang mga kasabwat nila. 

Ihinahanda na rin ang mga kaso laban sa dalawang suspek. 

-- Ulat ni Donna Lavares, ABS CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.