PatrolPH

Lotto, iba pang PCSO games ipinatigil ni Duterte; mga parokyano nagulantang

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 07:18 PM

Watch more News on iWantTFC

Maynila — Ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes ng gabi ang lahat ng gaming operations ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil sa umano'y katiwalian sa ahensiya.

"I have today ordered the closure, the stoppage of all gaming schemes sa... whatever nature, however done, that got the franchises to do from the PCSO. The ground is massive corruption involving all," sabi ni Duterte sa video na inilabas sa Presidential Communications Operations Office Facebook page.

Kasama sa mga ipinatigil ay ang lotto, Peryahan ng Bayan, small town lottery (STL), at Keno.

Inatasan ni Duterte ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines na ipatupad ang kaniyang kautusan.

Kaya simula nitong Sabado, inisa-isa na ng pulisya ang pagpapasara sa mga naturang establisimyento, na ikinagulantang naman ng mga parokyano nito.

"Malungkot kasi malaki naman po 'yung tulong ng PCSO lalo po sa ospital... Sana mag-open ulit siya para matuloy-tuloy 'yung pagtulong ng PCSO," ani Geraldine del Rosario, isa sa mga nakinabang sa programa ng PCSO.

"Dapat hindi ipasara, kasi ang lotto tumutulong sa mahihirap kapag tumama ka," ani Danny Perez, parokyano ng lotto.

Sa Metro Manila, pumalo na sa 1,780 ang napasarang PCSO lotto outlets.

May nahuli pang 5 sa Quezon City matapos maaktuhang nagpapataya pa rin.

Watch more News on iWantTFC

Sa Baguio City naman, mismong si PNP chief Oscar Albayalde ang nanguna sa pagdikit ng closure order sa mga outlet. Ang iba namang may-ari, nagkusa na lang sa pagsara ng kanilang establisimyento.

Samantala, ang mga nais umano humingi ng ayuda ay maaari naman daw magtungo sa ibang ahensiya tulad ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor)

"Papangalanan lahat nila 'yan. Sa ngayon kino-collate pa... pinaiimbestigahan nang mabuti. Ayaw niyang magkamali... Kung ipapatigil, ibig sabihin, walang papasok na pera maliban sa dating pera. Meron pa naman tayong Pagcor at sa ibang ahensiya ng gobyerno," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Sa isang pahayag, tiniyak ng PCSO na mananawagan sila sa Pangulo para ibalik ang operasyon nila.

"Rest assured, PCSO shall appeal to the Office of the President for the resumption of the conduct of all games to PCSO’s mandate and for the interest of the PCSO, its agents and its beneficiaries," anila.

Inabisuhan din ang players na itago muna ang mga tiket at maghintay sa mga anunsiyo.

—Ulat nina Micaella Ilao at Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.