Lalaki sinaksak ng icepick sa mukha ng mga kaaway sa gang sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 04:25 PM

ILOILO CITY—Isang 18-anyos na lalaking may icepick pa sa mukha ang isinugod sa Western Visayas Medical Center pasado alas-10 ng gabi Biyernes.

Ayon sa Molo Police Station, kinilala ang biktima na si Jhayar Nelson Balore. 

Sabi ng kasamahan ng biktima, nag-umpisa ang komosyon habang sila ay umiinom sa isang bar dahil fiesta daw sa kanilang barangay. 

Bigla na lang daw sinugod at hinabol ng hindi bababa sa 5 lalaki si Balore hanggang sa maabutan ito at saksakin sa mukha. 

Di pa mabatid ng ABS-CBN News ang kalagayan ng biktima habang sinusulat ang balitang ito.

Hawak na ngayon ng pulisya ang 5 sa mga lalaki at nadiskubre sa kanila ang sari-saring metal weapons gaya ng 2 kitchen knife. Bahagi umano ang mga nahuli ng isang gang sa barangay. 

Tinutugis naman ng pulisya ang pangunahing suspek na sumaksak kay Balore. —Ulat ni Regi Adosto, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.