Batanes niyanig ng sunod-sunod na lindol; 8 patay, 60 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 03:16 PM | Updated as of Jul 27 2019 07:29 PM

Watch more in iWantTFC

(UPDATE) Niyanig ng serye ng lindol ang Batanes simula nitong madaling araw ng Sabado hanggang kinaumagahan, na nagdulot ng matinding pinsala sa bayan ng Itbayat.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, aabot sa 8 ang patay at 60 ang sugatan pero inaasahang aakyat pa ang bilang kapag nagsimula na ang search and rescue operations. 

Ayon sa Phivolcs, nagsimula ang pagyanig bandang 4:16 ng madaling araw na naitala sa magnitude 5. Sinundan ito ng isa pang magnitude 3.2 makalipas ang 1 oras, bago naitala ang "main shock" na pumalo sa magnitude 5.9 bandang alas-7 ng umaga. 

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Itbayat Mayor Raul De Sagon na galing sa Barangay Sta. Maria ang karamihan sa mga namatay. 

Maaari aniyang nadaganan ang mga ito ng kani-kanilang bahay. 

Pinutol naman ang suplay ng kuryente sa bayan para sa kaligtasan ng mga residente, ayon kay Batanes Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office chief Dan Esdicul. 

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Batanes Gov. Marilou Cayco, nagsasagawa na sila ng rescue operations sa Itbayat. 

Helicopter anila ang gamit nila sa paglilipat ng mga rescue personnel sa pangambang magkaroon ng tsunami sa lugar. 

Nangangailangan din ng dagdag na pagkain para sa mga lumikas matapos ang lindol, dagdag niya. 

Pinawi naman ng Phivolcs ang pangambang magkaroon ng tsunami sa lugar, pero pinagiingat na rin nila ang mga residente sa mga paparating pang aftershock. 

Tiniyak naman ng national government ang agarang ayuda sa bayan. 

-- May ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.