14 anyos ginulpi ng 4 kapwa kabataan sa Sampaloc

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2019 04:57 PM

MAYNILA — Bugbog sarado at maga ang mga mata ng isang 14 anyos na lalaki matapos siyang gulpihin ng 4 kabataan sa Sampaloc Huwebes ng gabi.

Sa kuha ng CCTV sa isang kalye, kita ang paglalakad ng 4 na suspek patungo sa direksiyon ng biktimang si alyas "Michael" at pinsan nito.

Pagkakita ng 4 na lalaki kina Michael, tumigil ang mga ito at tila nagkaroon na ng bangayan.

"Pagkaharang, nanghingi sila ng pambili ng softdrinks at yosi... Kapag di kami nagbigay, gugulpihin daw kami... Nakikiusap kami, pero narinig ko balak nila nakawin cellphone ng pinsan ko. Kaya tinulak ko ang 4 tapos pinatakbo ko pinsan ko," sabi ni Michael.

Doon na ginulpi si Michael at nagpulasan na ang 4 matapos ang krimen.

Kinabukasan ng pambubugbog, tsaka nag-report sa pulisya ang mga magulang ni Michael matapos makitang lumalala ang lagay ng mata nito.

"Siyempre masakit sa akin na ina, hindi ko inaano iyan, tapos ibang tao pa kaya. Wala silang karapatan manakit," sabi ni alyas "Shirley."

Sa tulong ng CCTV, nakilala ang mga nambugbog kay Michael at napag-alamang mga menor de edad din pala ang mga ito at notoryus na mga siga sa lugar.

Nahuli na ang 2 habang nakapagtago naman ang 2 iba pa.

"Ang mga suspek minor kaya di sila puwede kasuhan, kaya tinurnover na sila sa Manila Reception and Action Center para mag-undergo ng diversion program," sabi ni Police Col. Jennelyn Baggay ng Women and Children Protection Desk ng Manila Police District.

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.