Suspek sa viral video ng panghoholdap sa San Juan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 01:01 PM

Hindi na nakapalag pa ang suspek na si Billy Joe Schofield matapos na hulihin sa bisa nga arrest warrant na ipinalabas ng korte. Sangkot si Schofield sa panghoholdap sa San Juan City noong 2017 kung saan nag-viral pa ang nai-upload na kuha ng CCTV sa pangyayari. Larawan mula sa San Juan City Police.

MAYNILA - Bagsak kulungan muli ang isang lalaking sangkot sa panghoholdap, kung saan ang isa sa mga insidenteng kinasangkutan niya ay nakunan pa ng CCTV at nag-viral sa social media.

Sa tulong ng isang concerned citizen, nahuli ng operatiba ng Eastern Police District (EPD) si Billy Joe Schofield Huwebes ng hapon sa Sitio Kapatiran, Barangay San Isidro, Antipolo City.

Ang pagkaka-aresto sa 39-anyos na kawatan ay base sa bisa na rin ng warrant of arrest na ipinalabas ng korte.

Watch more in iWant or TFC.tv

Video courtesy of San Juan Police

Ayon sa pulisya, isa si Schofield sa mga nangholdap noong Agosto 7, 2017 kay Albert Hendrick Tan. Nakunan pa ng CCTV ang panghoholdap at ito ay nai-upload sa social media.

Sa kuha ng CCTV na nag-viral, nakitang kasama ni Schofield noon si Marcele Oñate Jr, lider ng Oñate Robbery/Motorcycle Riding in Tandem criminal group.

Napag-alaman din miyembro si Schofield ng Sako Gang, sa ilalim ni Benedict Crisologo, na nago-operate sa kahabaan ng Aurora Boulevard. Pero nabuwag umano ito nang mapatay si Crisologo ng isang kasamahan nila noong 2004.

Nakulong na rin noong 2006 si Schofield sa kasong robbery-hold-up pero na-dismiss ang kaso matapos ang 2 taon.

Taong 2008 nang mailipat sa San Juan City Jail si Schofield para bunuin ang sentensiya sa kasong frustrated homicide na nangyari noong 2005. 

Matapos ang walong taon sa bilangguan, nakalaya si Schofield taong 2016 at dito na siya sumama sa grupo ni Oñate na kumikilos naman sa San Juan City.

Nabuwag naman ang grupo sa pagkakahuli kay Oñate sa Pasig City noong Enero ng taong kasalukuyan. - Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.