PatrolPH

'Sobrang saya': Vhong Navarro wagi sa kaso vs Deniece, Cedric

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 09:37 PM | Updated as of Jul 27 2018 09:53 PM

Watch more on iWant or iWantTFC

Nahatulang guilty sa kasong grave coercion sina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at Jed Fernandez na isinampa laban sa kanila ng "It's Showtime" host at aktor na si Vhong Navarro.

Ito'y kaugnay sa insidenteng pambubugbog at pamimilit ng grupo nina Lee sa aktor noong 2014 sa Taguig City.

Higit apat na taon matapos ang insidente, hinatulang guilty ng Taguig City Metropolitan Trial Court ang tatlong akusado.

Ang kaso ay may kinalaman sa pamimilit ng grupo ni Lee na pirmahan ni Navarro ang police blotter na nagsasaad ng akusasyong attempted rape niya kay Cornejo.

Sa naging hatol ng korte, napatunayan umano na si Navarro ang totoong naging biktima ng pambubugbog at pananakot nina Lee.

Sa panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Navarro na masaya siya sa "hustisyang" nakamit niya.

"Sobrang saya kasi ito 'yung justice na hinihintay natin eh...Ito, nakikita ko 'yung justice system sa Pilipinas, talagang hindi ako pinabayaan," giit ng aktor.

Parusang pagkakakulong mula anim na buwan hanggang tatlong taon at anim na buwan ang ipinataw kina Lee, Cornejo, at Fernandez. Acquitted naman sa kaso ang kapatid ni Lee na si Bernice.

Nasa Amerika si Navarro para sa event ng "It's Showtime" pero sinabi niyang laking pasalamat niya sa Panginoon sa naging hatol ng korte. 

"Nagpapasalamat ako sa Panginoon, binantayan niya ako at binigyan niya ako ng lakas ng loob na sabihin ang katotohanan." 

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunin ang pahayag ng mga akusado pero wala ang kanilang mga abogado.

Patuloy namang dinidinig ang hiwalay na kasong serious illegal detention laban kina Lee at iba pa.

—Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.