SAPUL SA CCTV: Trak, inararo ang 6 na sasakyan sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 06:01 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Video mula sa Sto. Tomas LGU

BATANGAS - Sugatan ang 5 katao matapos araruhin ng trak ang 6 na sasakyan sa Barangay San Antonio, Sto. Tomas, Batangas Huwebes ng hapon.

Sa kuha ng CCTV, makikitang nakahinto ang mga sasakyan sa kahabaan ng Maharlika Highway dahil naka-pula ang traffic light.

Maya-maya, biglang humarurot ang isang trak at inararo ang mga sasakyan.

Naisugod agad sa ospital ang mga biktima.

Ayon kay Senior Insp. Erickson Go, public information officer ng Sto. Tomas police, naapakan umano ng drayber ng trak ang accelerator imbes na ang preno kaya humarurot ito.

Nakalabas na sa ospital ang ilang biktima.

Kuwento naman ni Angel Montalban, drayber ng isa sa mga sasakyang nabangga, mabilis ang takbo ng trak.

"Inabot pa rin ako, dumiretso sa akin...Mabilis talaga kung mabilis," aniya.

Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang drayber ng trak na kinilalang si Juan Apio.

Bukas naman sa pakikipag-ayos ang ilang biktima basta't mabayaran at maipagawa ang mga nasirang sasakyan at pagpapagamot sa ospital.

Nasa kustodiya muna ngayon ng Sto. Tomas police si Apio. - ulat ni Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.