Magkapatid na miyembro ng NPA, sumuko sa Sultan Kudarat

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 08:21 AM

TACURONG CITY - Dalawang miyembro ng New People's Army ang sumuko sa mga awtoridad dito sa lungsod, Huwebes.

Sinamahan ng kanilang ama ang magkapatid na sina alyas "Boyet' na 19-taong gulang at si alyas "Ato" na 18-anyos sa kanilang pagsuko sa First Mechanized Infantry Brigade.

Inamin ng ama nilang si Jun na dati din siyang miyembro ng NPA na nauna nang tumiwalag mula sa grupo.

"Sumuko kami dahil sinabi sa'min ng tatay namin 'yung mga benepisyo na binibigay ng pamahalaan para sa mga umaalis sa NPA," sabi ni Boyet.

Isinuko ng mga binatilyo ang isang 40mm grenade launcher at isang kalibre 5.56 na baril.

Bukod kina Boyet at Ato, 159 na iba pang miyembro ng NPA mula sa iba't ibang bahagi ng probinsya ng Sultan Kudarat ang sumuko sa gobyerno.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.