Dating sundalo arestado sa Davao dahil sa di-lisensiyadong baril

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 12:33 PM

Arestado ang dating sundalong si Demetrio Padre Jr matapos mahuling may dalang armas na walang lisensya. ABS-CBN News

DAVAO CITY - Inaresto ang isang dating sundalo matapos mahuling may dalang armas na walang lisensya sa isang tindahan sa Panabo City.

Ayon sa pulisya, nakainom si Demetrio Padre Jr., dating miyembro ng Philippine Army, nang pumasok sa tindahan habang dala ang kanyang kalibre .45 na baril nitong Lunes.

Si Padre ay dating head rin ng security ng naturang tindahan at nadestino na sa ibang kompanya.

Hindi umano pumayag si Padre na mainspeksiyon ng mga guwardiya nang pumasok siya sa naturang establisimyento, ayon kay Superintendent Rimas Lambert, hepe ng Panabo City Police.

Aminado si Padre na walang lisensya ang kanyang baril. Nakuha umano niya ito noong nasa serbisyo pa siya sa pagkasundalo at ginagamit ngayong para proteksyunan ang sarili.

Nahaharap siya sa kasong illegal possession of firearms.

Bukod sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala ng armas kahit saan kahit pa man may lisensya dahil nasa ilalim pa rin sa martial law ang Mindanao.