Bangkay ng babae, natagpuan sa Lipa

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 04:55 AM

BATANGAS - Natagpuan ang bangkay ng isang babae sa Barangay Pangao, Lipa City, Batangas Huwebes ng madaling-araw.

Wala pang pagkakakilanlan ang biktima na nagtamo ng sugat at tama ng bala ng baril sa iba't ibang bahagi ng kaniyang katawan.

Nakasuot ng itim na shorts at gray sleeveless shirt ang babae.

Narekober din ng pulisya ang ilang basyo ng bala mula sa hindi pa alam na kalibre ng baril.

Ayon kay Agot Laylo, konsehal ng Barangay Pangao, nakitang nakahandusay sa gilid ng daan ang bangkay.

Nagulat naman ang mga residente dahil ngayon lamang ito nangyari sa kanilang lugar.

Wala namang nakakakilala sa biktima. Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente. - ulat ni Fay Virrey, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.