Bacoor jailbreak: 3 narekober, 19 inmate tinutugis pa

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 07:01 PM

Tinutugis ngayon ang 19 inmate matapos tumakas sa Bacoor City Police detention cell sa Cavite hapon ng Biyernes.

Sa panayam ng DZMM kay Cavite police director Senior Superintendent William Segun, sinabi nitong 22 ang naunang nakatakas ngunit narekober na ang tatlo dito.

Kuwento ni Segun, tila tiyumempo ang mga inmate habang binubuksan ng isang jailer ang kanilang selda.

"Habang kinukunan po ng mugshot ng ating jailer eh may nakaabang pala sa kaniya sa pinto at bigla siyang itinulak ng inmate so na-overpower siya," ani Segun.

Lahat ng nakatakas, nakakulong dahil sa mga kasong may kinalaman sa droga, dagdag ng pulis.

Hindi naman daw umano marami ang nakatakas dahil sumatutal ay 400 ang nakapiit sa kanilang istasyon. 

Wala rin daw armas at naagaw na sasakyan ang mga pumugang bilanggo. 

Bihis sibilyan ang inmates at tumungo raw sa direksyong pa-Maynila. 

Patuloy ang manhunt operation laban sa mga bilanggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.