Arrest warrant kontra NAPC Chief Maza, mga dating kongresista kinuwestiyon

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 04:21 PM | Updated as of Jul 27 2018 06:42 PM

Kinondena ng grupong Makabayan nitong Biyernes ang paglabas ng mga arrest warrant laban kina Liza Maza, ang pinuno ng National Anti-Poverty Commission, at mga dating party-list representative Satur Ocampo, Teddy Casino at Rafael Mariano. 

Ang mga utos ay kaugnay sa double-murder case na isinampa laban sa kanila noong 2006.

Ayon kay Rachel Pastores, legal counsel ng grupo, inakusahan ang apat na may kinalaman sa pagpatay kina Carlito Bayudang noong 2004 at Jimmy Peralta noong 2003 sa Nueva Ecija. 

Nauna nang sinabi ng grupo na “trumped up” or gawa-gawa lamang ang mga kaso noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Pastores, matagal nang nakabinbin ang kaso sa korte. Ibinasura naman ng Commission on Elections ang kaparehong reklamo, aniya.

Pinakita ng abogado ang kopya ng isang pahinang order na nagsasabing nakitaan ng probable cause ang akusado na ngayo’y haharap sa isang Warrant of Arrest. Pinirmahan ito ni presiding judge Evelyn Turla noong July 11, 2018. 

Maghahain ng motion for reconsideration ang kanilang kampo sa Lunes at umaasa silang sa Biyernes magkakaroon ng hearing para dito, ayon kay Pastores.

Para naman sa grupong Makabayan, parte ito ng kinakaharap nilang pulitikal na panggigipit.

Bagamat wala ang mga akusado sa nasabing presscon, binasa ng ilang myembro ng Makabayan ang kanilang mga pahayag.

Sa kanyang sulat, sinabi ni Maza na ginigipit lamang sya ng mga maka-militar para alisin siya sa puwesto.

Si Ocampo naman, nanawagan sa kanyang sulat na dapat araling mabuti ang kaso at manaig ang hustisya.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan secretary general Renato Reyes, kaduda-duda ang timing ng warrant of arrest. 

“Mabubuhay ulit ang kaso strangely sa panahon na nabuhay ulit si GMA,” ayon kay Reyes, patukoy sa pagiging House Speaker ni Arroyo.

Dumalo rin sa press conference si Erin Tanada bise, presidente ng Partido Liberal, na dating kasamahan nina Ocampo sa Kongreso. Nagpahiwatig sya na kasabay ng pagkabuhay sa kaso ang pagsama-sama ng mga grupong oposisyon.

“Ito ay message din sa atin. Hindi naman matitinag ang grupo sa pagpapatuloy sa pakikibaka sa ating bansa,” ani ni Tanada. 

Umaasa naman si Reyes na may gagawin ang administrasyong Duterte.

“May magagawa sila para itaguyod ang karapatan nina Teddy, Satur, dating cabinet Secretary Rafael Mariano at current Cabinet Secretary Liza Maza,” sabi ni Reyes. “Dapat ituwid nila yung mali na nagawa 12 years ago.”

Nagbigay rin ng pahayag sa press conference sina dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Rep. Arlene Brosas, Anakpawis Rep. Ariel Casilao, dating congressman Neri Comenares at Movement Against Tyranny convenor Mae Paner.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.