Ambisyong mag-prime minister, isyung 'no-el', sinagot ni Arroyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 07:53 PM | Updated as of Jul 29 2019 04:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinuldukan na ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang mga suspetsang kaya niya isinusulong ang charter change (cha-cha) ay para maging "prime minister" siya sakaling magbago na ang anyo ng gobyerno. 

    
Giit ni Arroyo, ni wala ngang puwesto para sa prime minister sa federal draft charter na isinumite ng Consultative Committee (Con-Com) kay Pangulong Rodrigo Duterte.

"Look, to begin with, the proposed constitution is presidential-federal, isn’t it? So that [prime minister ambition] is black propaganda," paliwanag ni Arroyo.

Matagal nang umuugong ang usap-usapang kaya isinusulong ni Arroyo ang cha-cha noong panahon niya bilang pangulo ay upang manatili sa kapangyarihan bilang prime minister. 

Isa pang isyu na sinagot ni Arroyo ay ang umano'y "no election" scenario sa 2019 na nauna nang pinalutang ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, ang pinatalsik na speaker.

"No, definitely I am not supporting term extension," aniya. 

PAGLILIBOT

Samantala, nagmistulang "throwback" sa kaniyang pagka-pangulo ang pag-iikot ni Arroyo nitong Biyernes sa ilang bayan na sinalanta ng mga bagyo.

Mula sa sariling distrito sa Sasmoan, Pampanga, binisita rin ng speaker ang distrito ni Bataan Rep. Geraldine Roman sa Dinalupihan.

    
Ayon sa Saligang Batas at sa House rules, bukod sa paggawa ng batas ay poder din ng isang kongresista ang bantayan ang ehekutibo para tiyaking tama ang trabaho nila.
    
"We can find out from them what are their plans for rehabilitation and check with the congressmen and LGUs (local government units) if it’s the right prioritization so it will be rational," paliwanag ni Arroyo.

Bukod pa riyan, tatrabahuhin daw ng Kamara ang pagtatatag ng "Disaster Management Department" na isa rin sa mga prayoridad ni Duterte.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.