PatrolPH

4 babae, nasagip sa 'pedopilyang' Awstralyano sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 07:53 AM

PAMPANGA - Nasagip ng mga awtoridad ang 4 na babae na umano'y ibinubugaw sa isang Awstralyano sa isang hotel sa Angeles City, Pampanga.

Nahuli rin ang 41-anyos na Awstralyano na umano'y nagyayang makipagtalik sa mga biktima kapalit ng pera.

Sa pinagsamang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nilusob ng mga operatiba ang hotel room ng suspek sa Barangay Balibago.

Naaktuhan pa nila ang Awstralyano at mga biktima na gumagamit ng droga.

Kabilang sa mga nasagip ay 2 menor de edad na may edad na 16 at 17.

Kuwento ng mga biktima, babayaran umano sila ng suspek ng P4,000 hanggang P5,000 kapalit ng sex.

Sa loob ng kuwarto, narekober din mga operatiba ang ilang ebidensiya na magpapatunay na pedophile ang suspek.

Dati nang nakulong ang Awstralyano dahil sa pananakit at pagkulong umano ng isang dalagita sa kaniyang kuwarto.

Pinabulaanan naman ng suspek ang mga paratang sa kaniya. 

Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.