1 naospital, 20 mag-aaral sumama ang pakiramdam dahil sa alingasaw ng barnis

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2018 04:11 PM | Updated as of Jul 27 2018 04:56 PM

Pansamantalang sinuspinde ang klase sa isang section ng Grade 6 sa Education and Training Center School 1 sa Bacolod dahil sa pagsama ng pakiramdamdam ng mga estudyante. ABS-CBN News

BACOLOD CITY - Isang mag-aaral sa Grade 6 ang dinala sa ospital nitong Biyernes habang 20 iba pa niyang mga kaklase ang sumama ng pakiramdam matapos makasinghot umano ng barnis.

Pansamantalang sinuspinde ang klase sa kanilang section sa Education and Training Center School 1 dahil sa pangyayari.

Isa si John Francis sa sumakit ang ulo matapos masinghot ang barnis nang mabasag ng kanyang kaklase ang isang bote ng plastic varnish kaya umalingasaw ang amoy nito sa buong silid.

Agad namang nagbigay ng tulong ang volunteer medical team at ang rescue unit ng Disaster Risk Reduction Management Office ng lungsod para sa mga bata.

Delikado ang pagsinghot ng hindi pa na-dilute na barnis lalo na sa mga bata dahil maaari itong makaapekto sa kanilang respiratory system at sa utak, ayon kay Dr Grace Tan ng Bacolod City Health Office.

Ayon sa principal ng paaralan na si Pedro Crispe, ipinadala ang barnis para sana sa isang project ng mga estudyante.

Nakatakdang magpatawag ng meeting ang principal para pag-usapan ang nagyari at kung maaaring ipagbawal na ang pagdala ng barnis para hindi na maulit ang pangyayari.