Top 8 drug personality sa Isabela, arestado

Kim Lorenzo, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 09:46 PM

ILAGAN CITY - Hawak na ng awtoridad ang umano'y ikawalo sa listahan ng top drug personalities ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency sa Isabela.

Arestado si Amado Manguilin, 37, matapos umanong magbenta ng ilegal na droga sa isang buy-bust operation sa Barangay San Felipe, Ilagan City noong Miyerkoles.

Ayon sa pulisya, high-value target si Manguilin na matagal na nilang mino-monitor dahil sa umano'y pagtutulak at paggamit ng shabu kahit na sumuko na ito sa Oplan Tokhang noong nakaraang taon.

"Taong 2016 siya sumuko pero may mga impormasyon na tuloy-tuloy pa rin siya sa ilegal na aktibidad, kaya kahapon, nag buy-bust tayo at naaktuhan natin na nagbenta ng shabu sa poseur-buyer," ani Supt. Ariel Quilang, hepe ng PNP-Ilagan City.

"Hindi natin masabi kung big time siya," dagdag pa niya.

Maliban sa ibinenta nitong isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000, nakuha rin sa kanya ang dalawa pang sachet at P1,000.

Todo tanggi naman si Manguilin sa mga bintang sa kanya.

"Wala, wala pong nakuha sa akin," aniya.

Sasampahan ito ng reklamong pag-iingat at pagtutulak ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.