Miyembro ng rebeldeng NPA, napatay sa Agusan del Sur

May Diez, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 12:39 AM

Isang miyembro ng New People's Army (NPA) ang napatay matapos manambang ng police patrol car sa Agusan del Sur, Huwebes ng hapon. Philippine National Police-Sibagat handout photo.

Napatay ang isang miyembro ng New People's Army (NPA) matapos manambang ang rebeldeng grupo sa Sibagat, Agusan del Sur nitong Huwebes.

Ayon kay Sr. Insp. Rodel Dorado, hepe ng Sibagat Municipal Police, kumpirmadong miyembro ng NPA Front 21 ang 10 armadong lalaking nang-ambush sa kanilang patrol car sa National Highway, Brgy. El Rio, Sibagat.

Limang pulis ang nakasakay sa patrol car na pabalik na sana ng himpilan ng pulis nang paulanan ng bala ng armadong mga lalaki.

Nakatakas na ang mga armadong lalaki nang dumating ang rumespondeng hepe kasama ang miyembro ng Provincial Public Safety Company.

Isang hindi pa kilalang bangkay ng miyembro ng NPA ang natagpuan matapos ang clearing operation ng pulisya.

Kasalukuyang hinihintay ng mga pulis kung may kukuha ng bangkay na inihatid na sa isang punerarya.

Narekober sa lugar ang AK-47 na baril ng napaslang na NPA, at 91 bala ng apat na magazine.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.