Mag-asawang hinihinalang miyembro ng NPA, huli sa Palawan

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 09:27 PM

Huli ang mag-asawang Carlito at Elizabeth Labajo na hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army. Photo courtesy of Palawan Provincial Police

PALAWAN – Nahuli ng Palawan Provincial Police ang mag-asawang hinihinalang miyembro umano ng New People’s Army (NPA) nitong Miyerkoles sa Barangay Tinintinan, Araceli, Palawan.

Kinilala ang mga itong sina Carlito at Elizabeth Labajo, mga residente sa lugar.

Ayon sa mga pulis, isang tip ang nakarating sa kanila na 'di umano’y may 2 lalaking kahina-hinala at may dalang mga baril ang paikot-ikot sa Barangay Tinintinan.

Agad na tinunton ito ng mga awtoridad ngunit nakatakas. Napag-alaman ng mga awtoridad na tumutuloy ang 2 lalaki sa isang lodge sa nasabing barangay kung saan natagpuan ang mag-asawang Labajo.

Nasa kustodiya ng mag-asawa ang ilang gamit na nakitang dala ng 2 lalaki. Nakuha sa kanila ang isang kalibre .38 at isang granada.

Posible umanong mga miyembro ang mag-asawa ng NPA matapos makita sa kanilang kwarto ang mapa ng ilang municipal police station sa Palawan, isang USB flash drive na naglalaman ng tila surveillance video sa lugar, at ilan pang mga dokumento. 

Hinala ng mga awtoridad, posibleng may pinaplanong masama ang grupo sa bayan ng Araceli.

Naka full alert status rin ang mga pulis sa probinsya lalo na at sunod-sunod na ang insidente at sagupaan sa pagitan ng militar at pinaghihinalaang mga miyembro ng NPA.

Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang hinihinalang kasama ng mag-asawa.

Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act at Republic Act 9516 o ang Illegal Possession of Explosives Act.

Kamakailan lang ay idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na ito makikipag-usap sa mga rebelde dahil sa sunod-sunod na pag-atake sa mga pulis at sundalo sa kabila ng usapang pang-kapayapaan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.