Cellphone snatcher, arestado sa Maynila

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2017 04:56 AM

Isang babaeng nakasakay sa jeepney ang nabiktima ng isang grupo ng snatcher sa Taft Avenue, Maynila, Huwebes 8:30 ng gabi.

Ayon sa kwento ng 21 anyos na biktima, nakasakay siya sa jeepney biyaheng Divisoria-SM Manila nang dukutin ang kanyang cellphone sa kanto ng Finance Road.

Agad namang humingi ng tulong ang biktima sa Lawton Police Community Precinct (PCP) at nang rumisponde ang mga pulis, nadantan ang grupo ng limang snatchers sa corner ng Ayala Boulevard.

Nang habulin ang mga ito ay nahuli ang isa sa kanila na kinilalang si Jerald Andaya, 18 anyos.

Pagdating sa presinto, lumuhod at humingi ng tawad si Andaya sa biktima. Ayon dito ay gipit siya kaya nagawang mang-snatch.

Payo naman sa mga commuters ni Senior Inspector Randy Veran, hepe ng Lawton PCP ang pag iingat at kung maaari ay huwag maglabas ng cellphone habang nasa pampublikong lugar. -DZMM

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.