Buntis patay sa sunog sa Calamba

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 09:46 PM

Patay ang isang buntis matapos makulong sa nasusunog na bahay sa Calamba City, Miyerkoles. Photo courtesy of Bureau of Fire Protection-Calamba City.

CALAMBA CITY - Patay ang isang buntis matapos matupok ang kanyang bahay at tatlong iba pa sa Barangay Singko, Calamba City nitong Miyerkoles.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, bandang 9:30 ng umaga nang magsimula ang apoy sa bahay ni Veronica Cruzada na napag-alamang apat na buwang buntis.

Lumalabas sa imbestigasyon na nakapaghakot pa ng gamit si Cruzada bago ito makulong sa nasusunog na bahay.

“'Yung babae, tatlong beses siyang bumalik, may binalikan siya na mga documents, gamit, so 'nung pangatlong balik niya, hindi na siya nakalabas,” ani Fire Insp. Merry Joy Asonza, deputy fire marshall ng BFP Calamba.

Mabilis kumalat ang apoy at gumapang sa tatlo pa nitong katabing bahay na pawang mga gawa rin umano sa light materials. Umabot sa ikalawang alarma ang sunog.

Halos isang oras bago tuluyang nakapagdeklara ng fireout ang mga bumbero.

Mahigit P1.2 million ang naitalang halaga ng pinsala ng sunog. Patuloy namang iniimbestigahan ang pinagmulan ng apoy.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.