Binatilyo, arestado sa droga sa Laoag City

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 11:48 PM

Laoag City - Isang 14 anyos na batang lalaki ang arestado sa Laoag City, Ilocos Norte, Huwebes ng hapon dahil sa ilegal na droga.

Nahuli ang suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Laoag PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Naaktuhan ito sa pagbebenta ng iligal na droga at nakuha sa kanya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu at marked money na nagkakahalaga ng P500.

"Posibleng napag-utusan at ginamit lamang siya na magbenta ng shabu," ayon kay Chief Inspector Rommel Ramos.

Dati na umanong nasangkot ang binatilyo sa kaso ng pagnanakaw sa lungsod at nagpositibo ito sa paggamit ng shabu at marijuana.

Mariin namang itinanggi ng bagito ang mga narekober mula sa kanya. "Bumili lang ako ng soft drinks tapos may lumapit sa akin, kinapkapan ako at mayroon ng dalawang sachets ng shabu, hindi sa akin 'yon. Pero yung pagnanakaw, aaminin ko dahil sa impluwensya ng barkada noon," ayon sa kanya.

Posible itong ipasok sa Regional Rehabilitation Center for the Youth (RRCY) sa San Fernando, La Union dahil ito ay menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.