Bata nalunod sa palaisdaan sa Ilocos Sur

Bryan Realgo, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 11:43 PM

Ang palaisdaan kung saan nalunod si Paulo Quebral, 5, sa Magsingal, Ilocos Sur nitong Miyerkoles

Patay ang isang batang lalaki matapos malunod sa isang palaisdaan sa Barangay Miramar, Magsingal, Ilocos Sur nitong Miyerkoles.

Nalunod si Paulo Quebral, 5, matapos umano maligo sa fishpond kasama ang ilang kalaro.

Agad sumaklolo ang mga residente nang hindi na umahon ang bata. Naitakbo pa ito sa ospital pero pumanaw din habang ginagamot.

Kwento ng lola ng biktima na si Marcela Quebral, sa bahay lang diumano nila naglalaro ang biktima at hindi nito namalayan na nagtungo na pala ito sa palaisdaan na malapit lang sa kanilang bahay.

Nasa tabi lamang ng kalsada ang naturang fishpond. 

Ayon sa pamilya ng biktima, wala silang sinisi sa insidente pero hiling nila sa may-ari nito na palagyan ng bakod para hindi mapasok.

Ito rin ang ipinakausap ng pulisya sa may-ari na si Editha Renon. 

Ayon kay Renon, pag-aaralan nila kung ano ang gagawin sa paligid ng kanilang fishpond.

Paalala ng mga awtoridad, bantayang maigi ang mga maliliit na anak para makaiwas sa anumang klaseng aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.