17 dalagita sa Caloocan, 'ibinugaw'

ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2017 06:59 PM | Updated as of Jul 27 2017 10:50 PM

Na-rescue ng National Bureau of Investigation (NBI) ang 17 dalagita na ibinubugaw umano sa isang pribadong resort sa Caloocan.

Nagwala ang suspek na si Glady Dulot nang arestuhin ng mga tauhan ng NBI Anti-Trafficking Division dahil umano sa pambubugaw ng 17 dalagita sa isang pribadong resort sa Caloocan.

Kasama rin ni Dulot si Cherrie Ann Lascano na nagdala sa mga menor de edad sa resort.

Nakuhanan pa ang mga dalagita na masayang nag-swimming, nagtawanan at nagsayawan habang naka-swimsuit at naka-makeup. Padaan-daan din ang mga suspek na sina Lascano at Dulot.

Habang nagkakasiyahan ang mga ire-rescue sa swimming pool, nakatago naman sa isang kuwarto ang mga miyembro ng NBI at media. Sa kabilang silid naman ang magiging bayaran ng pera.

Ibinigay ng grupong Destiny Rescue ang tip sa NBI tungkol sa modus ni Dulot. Nagpanggap na parokyano ang ilang ahente ng NBI at miyembro ng Destiny Rescue. Ang usapan ay babayaran ng P6,000 ang mapipiling dalagita mula sa grupo.

Makalipas ang ilang sandali, inabot na ang pera kay Dulot. 

Nakuhanan din ang pagbigay ni Dulot ng tig-P1,000 sa mga dalagita kaya agad nang inaresto ng NBI ang mga suspek.

Depensa naman ni Dulot, ngayon lang niya ito ginawa dahil sa matinding pangangailangan. 

Aniya, hindi alam ng mga magulang ang transaksiyon at ipinagpaalam lang nila na magswi-swimming ang mga dalagita.

Giit naman ni Lascano, sumama lang siya pero wala siyang kinalaman sa pambubugaw.

Naglalaro sa 13 hanggang 17 ang edad ng mga dalagita at isasalang sila sa dental examination para makumpirma ang kanilang edad. 

Ayon sa NBI, traditional trafficking ang tawag sa modus at walker ang tawag sa mga biktima kung saan personal at hindi sa social media ipinaparada ang mga video o retrato ng mga biktima. 

Kukuhanan muna ng pahayag ng NBI at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga dalagita.

Matapos makuhanan ng pahayag, nakatakda silang i-turn over sa DSWD.

Sasampahan ng kasong child abuse at human trafficking ang mga suspek.

Pinaalalahanan naman ng NBI ang mga magulang na protektahan ang mga anak.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.