Duterte, inaasahang matutulungan si Mary Jane

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 27 2016 08:26 PM

NUEVA ECIJA - Tumungo sa Fort Magsaysay sa Palayan City ang pamilya ni Mary Jane Veloso, ang overseas Filipino worker na nahatulan ng kamatayan sa kasong pagpuslit ng ilegal na droga sa Indonesia, upang personal sanang makausap si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam kay Marites Veloso, kapatid ni Mary Jane, nagbaka-sakali ang pamilya na makausap ang pangulo.

Subalit hanggang sa waiting area lamang ng Fort Magsaysay sila pinahintulutang mamalagi.

Tatlong oras din silang naghintay para makaharap ang presidente ngunit isang kinatawan na lang daw ni Duterte ang lumapit sa pamilya para kunin ang liham na kanilang dala.

Lamang ng liham ang pagsusumamo ng pamilya kay Duterte para mailigtas mula sa death row si Mary Jane.

Kinuha rin ang contact number ng pamilya at ipinangakong ipaaabot kay Pangulong Duterte ang liham.

Naghihintay pa rin sa ngayon ang pamilya Veloso ng tawag mula sa Malacanang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.