5 biktima ng summary execution, natagpuan sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Jul 28 2016 12:06 AM

MANILA -- Natagpuan sa magkakahiwalay na lugar sa Pasay City ang labi ng limang biktima umano ng summary execution.

Sa bakanteng lote sa Barangay 41, nakita ang katawan ng lalaking nakahubad at may tama ng bala. Nakabalot pa ng masking tape ang bibig at nakatali ang paa at kamay.

Nakalagay sa tabi nito ang karatulang may nakasulat na "Akyat Bahay ako. 'Wag tularan. Ako po si Alias Kuntil."

Sumalubong din sa mga residente ng Barangay 33 ang duguang bangkay ng isang lalaki na tadtad ng bala ang mukha.

May karatula rin ito sa tabi na may katagang "'Wag tularan. Akyat Bahay ako. Ako po si Patrick."

Tadtad naman ng saksak ang labi ng hindi pa nakikilalang lalaki na natagpuan sa likod ng PNB Compound sa Roxas Boulevard.

Sa tabi niya ay may kartong may nakasulat na "Mga holdaper at user kami. 'Wag tularan. Marami na kaming nilokong tao."

Sa hindi kalayuan ay may isa pang patay na lalaki.

Natagpuan naman sa Diokno Boulevard ang hinihinalang biktima ng summary execution na balot ang mukha at nakagapos ang kamay at paa.

Hinala ng pulisya, katatapon lang ng mga bangkay nang matagpuan ito. Halos pare-pareho rin ang nakasulat sa mga karatulang iniwan sa kanila.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima. Iniimbestigahan na rin kung iisang grupo lang ang nasa likod ng mga krimen.

Sa harap ng pinalakas na kampanya kontra-droga, mula noong Mayo 10 hanggang Hulyo 27, 2016, umabot na sa 621 ang bilang ng mga napatay, batay sa tala ng ABS-CBN Investigative and Research Group.

Aabot sa 398 dito ang napatay sa mga police operation. Samantala, 172 naman ang pinatay ng mga 'di pa nakikilalang suspek, habang 51 ang hinihinalang biktima ng summary execution.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.