PatrolPH

Suspek sa pamamaril sa Ateneo, isinailalim na sa inquest proceeding

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2022 05:06 AM

MAYNILA—Naisailalim na sa inquest proceeding lunes ng hapon si Dr. Chao-Tiao Yumol, ang suspek sa insidente ng pamamaril sa Ateneo de Manila University noong Linggo ng hapon.

Kinumpirma ito sa ABS-CBN News ng abogado niya na si Atty. Karen Gañgan. 

Isinailalim rin sa drug test si Yumol bago ang inquest proceeding.

Matapos ay agad ding inilipat si Yumol sa Centralized Custodial Facility ng Quezon City Police District.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong murder, frustrated murder, at paglabag sa gun ban.

Nasawi sa insidente si dating Lamitan, Basilan Mayor Rose Furigay, aide nito na si Victor Capistrano, at security guard ng Ateneo na si Jeneven Bandiala.

Sugatan naman ang 25 taong gulang na anak ni Furigay na si Hannah Rose.

Mariin namang itinanggi ng abogado ng mga Furigay na si Atty.Quirino Esguerra Jr. ang paratang ni Yumol na sangkot sa ilegal na droga ang nasawing alkalde. 

"Wala po siyang nailalabas na mga ebidensya sa mga paratang niya kay Mayor Roderick Furigay pati kay Mayor Rose Furigay. Iyan po ay puro kathang isip niya," aniya.

Pinasinungalingan din ni dating PACC Chief Greco Belgica ang pahayag ni Yumol na walang ginawa ang ahensya sa kanyang reklamo laban kay Furigay. 

"Hindi po totoo yan lahat ng reklamo nya, iprinisinta niya po sa amin ay aming inaksyunan. Una sa lahat po, nais ko ipaliwanag na ang PACC, mayroon limitadong jurisdiction, ito po ay mayroon lamang kapangyarihang magimbestiga at magrekomenda sa Pangulo ng mga issues on corruption. Wala po kaming jurisdiction, kapangyarihan sa local government," aniya.

"Ang kanya pong kalaban ay Mayor, Vice Mayor, mga local government (officials). Agad po namin itong dinala sa DILG, sa harap po niya para po maimbestigahan. In 3 months, naisampa po ang kaso sa Office of the Ombudsman noong 2020," giit ni Belgica.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.