PatrolPH

Bangkay ng seafarer na inanod sa sapa, natagpuan sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2021 03:34 PM

Patay na nang matagpuan ng mga awtoridad ang isang 51 anyos na seaman matapos tangayin ng rumaragasang tubig sa sapa sa Barangay Callitong sa bayan ng Burgos, Ilocos Sur umaga ng Lunes. 

Ayon kay Police Lt. Donaldson Pagalanan, hepe ng Burgos police, nagpaalam ang biktima sa kanyang ina na pupunta siya sa sapa malapit sa kanilang bahay para isalba ang nahulog nitong alagang kambing noong Hulyo 25. 

Pero isang oras na ang nakalipas ay hindi pa bumabalik ang biktima kaya nabahala na ang pamilya at agad na nila itong ini-report sa barangay.

"Narinig nila na may lumundag sa creek. Pagkatapos ng isang oras ay hindi pa bumabalik 'yong victim ay doon na nag-report ang mga kapamilya niya sa barangay," sabi ni Pagalana. 

Nagsagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad at bandang alas-9 Lunes ng umaga ay nakita ang bangkay nito sa Burgos River na sakop ng Barangay Luna na katabing Barangay ng Callitong. 

Sabi ni Pagalanan, malakas ang ulan nang mangyari ang insidente.
May lalim na lagpas tatlong tao rin ang sapa.

— Ulat ni Grace Alba

KAUGNAY NA VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.