8 sugatan sa aksidente sa Agusan del Norte

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2020 05:29 PM | Updated as of Jul 26 2020 05:30 PM

BUENAVISTA, Agusan del Norte - Sugatan ang walong sakay ng isang pribadong multicab matapos maaksidente Sabado ng hapon sa Barangay Manapa sa Buenavista, Agusan del Norte.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver na si Maximilio Tenebroso nang sumabog ang isang gulong ng multicab sa likod.

Bumangga pa sa barandilya ng kalsada ang multicab.

Galing sa paliligo sa dagat ang mag-anak na sakay ng multicab at pauwi na sana sa Barangay Alubihid nang mangyari ang aksidente.

Malubhng nasugatan sa pangyayari sina Glenn Sayas, Edgardo Canete at isa pang menor de edad. Nagtamo sila ng bali sa iba't-ibang bahagi ng katawan.

Ang lima sa kanila ay nagtamo rin ng galos sa katawan.

Paalala ng mga awtoridad, ugaliin ang masusing pagsuri sa sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang aksidente at aberya sa daan.

Nagpapagaling pa ngayon sa ospital ang tatlong sugatan.

Naka-impound na sa pulisya ang multicab at pansamantalang naka-kustodiya ang driver nito, na kamag-anak lang din ng mga sugatan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.