Suspek sa pamamaril sa Indian national sa CamSur, nakunan sa CCTV

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 03:30 PM

Nahagip ng CCTV sa lugar ang isa sa mga salarin na pumatay sa Indian national na maniningil sana ng pautang sa San Fernando, Camarines Sur. Mula sa San Fernando Municipal Police Station

SAN FERNANDO, Camarines Sur - Binawian na ng buhay ang Indian national na tinambangan sa Barangay Pamukid, Huwebes ng umaga.

Pinagbabaril si Gagandeep Sidhu sa loob ng kaniyang sasakyan. Ligtas naman ang kasama nito.

Isang oras bago ang pamamaril ay nahagip sa CCTV ang itinuturong responsable sa krimen.

“Early before 8 (ng umaga) andun na 'yung gunman naka-standby, palakad-lakad kasi alam niyang titigil 'yung victim sa area at may sisingilin," ayon kay Police Capt. Emilio Endrano, hepe ng San Fernando Police.

Sa kuha ng CCTV, makikitang pabalik-balik na naglalakad ang gunman. Nakita rin na may kausap siya sa telepono.

Alas-9:50 ng umaga nang nahagip ng camera ang getaway vehicle na motorsiklo.

Tumakas naman patungong Naga City ang mga suspek.

Away sa negosyo ang nakikitang motibo sa krimen.

Sa kabila nito, blanko pa rin ang awtoridad kung sino ang nasa likod ng pamamaril.

Magbibigay naman ng P100,00 pabuya ang lokal na pamahalaan ng San Fernando sa makapagtuturo sa mga salarin.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.