Pulisya ng Negros Oriental naka-full alert matapos ang serye ng patayan

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naka-full alert status na ngayon ang kapulisan sa buong Negros Oriental matapos ang sunod-sunod na insidente ng pamamaslang ng mga hindi pa nakikilalang salarin. 

Huwebes ng madaling araw nang barilin ng armadong grupo sa loob ng kaniyang bahay si Barangay Buenavista chairman Romeo Alipan sa Guihulngan, Negros Oriental. 

Sabi ni Belen Alipan, misis ng biktima, malinis ang record ng kaniyang asawa kaya wala siyang nakikitang dahilan para patayin ito.
 
Madaling araw din noong Huwebes nang pasukin ang bahay at pagbabarilin ang magkapatid na Arthur at Ardale Bayawa sa Barangay Hibaiyo. 

 
Principal ng Guihulngan National High School si Arthur habang department chief naman ng Department of Education-Guihulngan ang kaniyang kapatid.

"Wala naman silang sinasabi na may conflict sila na personal," ani Fela Marie Undang, pamangkin ng mga biktima.

Teorya ng mga pulis, mga miyembro ng New People's Army (NPA) ang may kagagawan sa mga pagpatay.

Aminado naman ang militar at pulis na malakas ang impluwensiya ng NPA sa Guihulngan at ilang karatig-bayan mula pa noong 1980s.
    
"I think it's an off shoot of insurgency rin eh, dahil meron silang liquidation squad," ani Brig. Gen. Benedict Arevalo, 303rd brigade commander.

"Madaling malutas 'yung kaso, we will be able to speedily identify the suspects, the culprits, so humihingi tayo ng tulong," ani Police Lt. Col. Bonifacio Tecson, hepe ng Guihulngan police. 

Isinailalim na sa full-alert status ang Negros Oriental police dahil sa mga kaso ng pagpatay.

Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang panig ng NPA.


—Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.