Paslit, 4, nakabitaw sa ina, nasagasaan ng SUV sa Puerto Galera

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 06:36 PM | Updated as of Jul 26 2019 08:25 PM

Watch more in iWantTFC

Nasawi ang isang 4 anyos na bata sa Puerto Galera, Oriental Mindoro matapos masagasaan ng SUV.

Sa isang larawan mula sa pulisya, kita ang ina ng batang babae na naglupasay sa kalsada at yakap ang katawan ng anak matapos itong mabundol.

Galing ang bata, nanay, at lola ng biktima sa pagdiriwang ng nutrition month sa eskuwelahan.
    
Kabababa lamang nila ng tricycle at nagbabayad ang ina ng pamasahe nang mangyari ang aksidente.

"Hindi ko namalayan na nakabitaw siya sa akin at nagulat na lang ako kasi ang bilis ng pangyayari, may biglang dumating na sasakyan tapos nahagip siya, nakaladkad siya sa ilalim," hinaing ng inang si alyas "Mercy."
    
Ayon sa pulisya, hindi napansin ng drayber ng SUV ang naglalakad na bata.
    
"Hindi siya nakita ng driver dahil doon siya dumaan sa unahan ng tricycle," sabi ni Police Maj. Dominador Madrid III, hepe ng Puerto Galera police.

Katarungan ang hiling ng ina ng biktima.

"Kasi bibong-bibo 'yung bata na 'yun. Gusto niya daw maging model at saka teacher," ani Mercy.

Arestado na ang driver ng SUV na si Renante Paragas at nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.


—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.