Pagpinta sa 'LGBT Pride Lane' sa Davao City, kinuwestiyon ng DPWH

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 01:28 AM

DAVAO CITY - Kinuwestiyon ng Department of Public Works and Highways at City Transport and Traffic Management Office ang pagpinta ng bahaghari sa isang pedestrian lane ng Barangay Lapu-Lapu, Agdao District sa Davao City.

Ayon kay CTTMO head Dionesio Abude, hindi nila inaprubahan ang request ng Sanguniang Kabataan dahil kailangan pa umano itong isangguni sa City Transport and Traffic Management Board.

Tutol din ang DPWH dito dahil hindi ito naaayon sa international standard ng pedestrian lane na kulay puti at dilaw. Thermoplastic paint din dapat ang ginagamit dahil reflectorized ito para madaling makita ng mga motorista.

"Although this can be discussed in a proper venue. Pero kami sa DPWH we will stick to our standards,” paliwanag ni Dean Ortiz, spokesperson ng DPWH XI.

Dahil dito, maituturing umano itong vandalism ayon sa DPWH. Ipinag-utos ng ahensiya na ibalik ang dating pinta ng pedestrian crosswalk.

Aminado naman si Barangay Lapu-Lapu SK Chairman Paolo Rodriguez na may miscommunication dahil akala niya ay inaprubahan na ang kanilang request. Humingi naman ito ng paumanhin sa DPWH at CTTMO.

“I take full responsibility for the action. I take full responsibility for whatever violations nga amoang nalapas. But I really ask for understanding that the bagong SK is pure and innocent with our intention,” aniya.

Bukas si Rodriguez sa diyalogo kasama ang DPWH at CTTMO upang maayos ang usapin.

Noong Linggo, magugunitang pinintahan ng kulay ng bahaghari ang pedestrian lane ng isang barangay bilang paalala sa kahalagahan ng respeto sa bawat isa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.