Ilegal na refiling station ng butane, nadiskubre sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 02:10 PM

Sa isang kubo nadiskubre ng awtoridad ang ilegal na refilling station ng butane. Larawan mula kay Rodulfo Regalado

CAGAYAN DE ORO – Nadiskubre ng Bureau of Fire Protection ang ilegal na refilling station ng butane sa isang kubo sa Barangay Pagatpat, Hillside Village.

Dalawang 50-kg na binaliktad na LPG ang kanilang ginagamit sa pag-refill sa mga butane canister. Ito’y sa kabila ng paulit-ulit na paalala ng BFP na bawal ito dahil one-time use lamang dapat ang orihinala na butane at delikado sa sunog kung LPG ang ire-refill dito.

"Malaking produksyon ito. Ang isang 50-kg na LPG makaka-refill ng ‘di bababa sa 200 canisters. Yung 200 i-times mo sa 25 nasa 5,000. Magkano lang ang isang tangke ng LPG kaya talaga na e-engganyo silang gumawa ng ilegal refilling," sabi ni Supt. Alan Cabot, District Fire Marshall ng BFP-CDO.

Kinumpiska nila ang mga LPG, timbangan at daan-daang butane canisters.

Ayon kay Glicel Evardone, asawa niya ang nagre-refill sa mga butane at dinadala sa mga tindahan pero ‘di nila alam na bawal ito.

Dalawang tindahan pa na nagbebenta ng refilled na butane ang pinuntahan ng BFP at kinumpiska rin ang kanilang mga paninda.

Hindi muna ikinulong ang nagpapatakbo sa refilling stations ng butane at retailers sa halip ipapaubaya ng BFP sa Department of Energy ang pagsasampa ng kaso.

Pero pinatawan na sila ng multa base sa Fire Code of the Philippines.

Maximum penalty na P12,500 ang ipinataw sa nagpapatakbo ng refilling station habang P4,000 sa mga retailers.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.