Anti-'endo' bill tinanggihan ni Duterte; labor groups umangal, employers nagbunyi

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 03:54 PM | Updated as of Jul 26 2019 08:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) - Hindi pinirmahan, o binigyan ng veto, nitong Biyernes ni Pangulong Rodrigo Duterte ang security of tenure bill na layon sanang tanggalin ang sistemang "endo," na pinaikling end-of-contract, o "labor-only" contracting. 

Ikinadismaya ng ilang labor groups ang hakbang na umano'y pagsira ni Duterte sa kaniyang pangako noong siya'y nangangampanya pa lang na wakasan ang "endo." 

Kahapon, binanggit din ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na na-veto ni Duterte ang panukala pero kinalauna'y binawi rin ito dahil pag-aaralan pa rin ito aniya ng pangulo. 

Sa opisyal na kopya ng veto message na nakuha ng ABS-CBN News, sinabi ni Duterte na nais niyang balansehin ang interes ng mga manggagawa at employer kaya siya nag-veto sa panukala. 

Ayon pa kay Duterte, dapat pa ring payagan ang lehitimong job contracting kung kaya naman nitong ibigay ang benepisyo ng mga manggagawa alinsunod sa batas. 

"While labor-only contracting must be prohibited, legitimate job contracting should be allowed provided that the contractor is well-capitalized, has sufficient investments, and affords its employees all the benefits provided for under the labor laws," ani Duterte sa kaniyang veto message. 

Dapat din aniyang payagan ang mga negosyo na makapag-outsource ng ilang aktibidad lalo na kung makakatulong ito sa kanila. 

Ayon pa kay Duterte, makakasira sa balanse ng employer at employee ang pagpapalawak ng panukala ng depinisyon ng labor-only contracting. 

Malalagay raw sa alanganin ang posisyon ng kapital at pamunuan ng mga kompanya, at maaapektuhan nito kalaunan ang mga Pilipinong manggagawa.

Sa kaniyang mga SONA magmula 2016 hanggang 2018, nanawagan si Duterte na wakasan ang "endo," na nagtulak sa ilang mambabatas na magbalangkas ng panukala ukol dito. 

Pero sa kaniyang SONA nitong Lunes, Hulyo 22, hindi niya ito nabanggit sa kaniyang talumpati. 

Pumalag ang mga grupo ng mga employer sa posibleng epekto ng security of tenure bill sa kanilang mga negosyo at maging sa mga manggagawa. 

Ikinalugod naman ni Sergio Ortiz-Luis, pangulo ng Employers Confederation of The Philippines ang pag-veto sa panukala. 

“We are very glad that President Duterte vetoed the SOTB (security of tenure bill) otherwise it would have been disastrous for the national effort to increase investments and generate employment," ani Luis sa isang pahayag. 

Dagdag niya, dati pang natupad ni Duterte ang pangako niyang matigil na ang "endo" kaya hindi na aniya ito kailangan. 

PANGAKONG TILA 'PATAY NA' 

Nadismaya naman ang mga labor groups sa tila pagsira umano ni Duterte ng kaniyang pangako na matanggal na ang "endo." 

Tila pinatay na ni Duterte ang kaniyang pangako na wakasan ang "endo" sa pag-veto sa panukala, ayon sa Partido ng Manggagawa. 

"Malacañang wants to cripple if not kill it. Between labor’s demand to end 'endo' and the employers’ call to veto it, President Duterte seems bent on surrendering to the capitalist blackmail," ani Rene Magtubo, national chairman ng grupo. 

Para naman sa grupong Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Mangggawa (SENTRO), pagtataksil sa mga laborers ang pag-veto sa panukala lalo na't ilang beses umano ito pinangako ni Duterte. 

"Mr. Duterte’s veto of the bill is just the final confirmation of his insincerity when he promised to end contractualization during his presidential campaign. It is a presidential betrayal," anang grupo sa pahayag. 

Kinuwestiyon naman ng Trade Union Congress of the Philippines ang tila pagbawi umano ng Pangulo sa kaniyang mga pahayag na "urgent" ang panukala. 

"President Duterte certified SOT (security of tenure bill) as an urgent administration measure in his 2018 SONA... So that now Congress has acted on his certification, why should there now be a veto of something he certified as an urgent national bill?" sabi ng TUCP sa pahayag. 

Para naman kay TUCP Vice President Louie Corral, bagaman tingin niyang mas mahina ang naipasang panukala, mas dehado ang umano'y 9 milyong "endo" worker sa bansa. 

"Ang 'endo' at contractual work ay modern form of slave labor at 'yun po ay magiging poverty trap para sa lahat ng ating manggagawa," ani Corral. 

Nalungkot naman si Sen. Joel Villanueva, may-akda ng panukala sa Senado, sa pag-veto ni Duterte. 

Aniya: "Sana ito’y isang masamang panaginip lang." 

Naniniwala din siya na ang pag-veto ng panukala ay patunay na mas namamayagpag ang mga kapanyarihan. 

"We are always concerned of how much of our profit will be eroded by the SOT bill. Ang hiling po sana natin sa usapin ng security of tenure ay makiisa sa mga mangaggawa na ang iniisip lagi ay pangtustos sa kanilang pamilya tuwing ma e-'endo,'" aniya sa hiwalay na pahayag. 

Ayon kay Senate President Vicente "Tito" Sotto III, hihilingan niya si Villanueva na maghain ng bagong panukala sa Kongreso. 

Sa Kamara, plano ng Gabriela party-list, TUCP, at SENTRO na maghain muli ng bagong panukala. 

Para kina House Minority Leader Bienvenido Abante at Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, mahalagang ihain ang panukala dahil ipinangako ito ni Duterte sa mga Pilipino. 

-- May ulat ni Joyce Balancio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.