2 opisyal ng BIR dawit sa pangingikil ng P75 milyon sa telco

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2019 07:11 PM | Updated as of Jul 26 2019 09:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog sa entrapment operation nitong Biyernes ang 2 opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na umano'y nangikil sa isang kompanya ng telepono sa Pasig City.

Sa isang hotel sa Quezon City nalambat ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga suspek na sina Alfredo Pagdilao Jr. at Agripina Vallestero.

Hulyo 19 nang magreklamo ang telco na ginigipit sila ng 2 opisyal at nanghihingi ng P160 milyon, katumbas umano ng 10 porsiyento ng kanilang P1.6 bilyong tax deficiency sa lungsod ng Pasig. 

Pero giit ng kompanya, naplantsa na nila ang gusot sa naturang tax deficiency kaya't nagtataka sila kung bakit nangingikil pa ang 2 opisyal.

Kalaunan, natawaran ng kompanya ang sinisingil at napababa ito sa P75 milyon. 

Doon na nagkasa ng operasyon ang mga awtoridad at nitong Biyernes ay ganap nang natimbog sina Pagdilao at Vallestero.

Hindi naman naaresto ang 2 pa umanong kasabwat ng mga suspek dahil hindi sumipot ang mga ito sa napag-usapang lugar.

Sinampahan na ng patong-patong na reklamo sa Department of Justice ang 2 nahuli pati ang 2 pa nilang kasabwat na kasalukuyang tinutugis. 

Mga reklamong plunder, graft and corruption, robbery extortion, at grave misconduct ang haharapin ng 4. 

Nakapiit na ngayon sina Pagdilao at Vallestero sa detention cell ng NBI sa Maynila.

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.