UPCAT forms, magdamag pinilahan ng mga senior high mula PUP

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 11:05 PM | Updated as of Jul 29 2019 12:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magdamag pumila sa kalsada ang daan-daang senior high school students ng Polytechnic University of the Philippines para makakuha ng mga papeles na kailangan para makapag-entrance exam sa University of the Philippines. 

Umabot ang pila sa Engineering building ng PUP, na 700 metro ang distansiya mula sa main building, kung saan nakukuha ang Form 137 at UP College Admission Test. Kailangang fill-up-an ng opisyal ng PUP ang mga dokumentong ito bago maisumite ang aplikasyon para sa entrance exam sa UP. 

Ito ang unang pagkakataon na libre ang UPCAT. Paniwala naman ng ilan, first come, first served ang pagbibigay ng mga dokumento kaya pumila sila. 

Naglabas ng hinaing ang mga estudyante. 

"Sana lang mas priority nila ang welfare ng estudyante... na kung nakikita talaga nila na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, hindi dapat ganito ang ginagawa sa amin," mungkahi ng Grade 12 student na si Anna Kristina Mutuc.

May iilan din daw estudyante na naglatag at natulog sa kalsada. May iilan ding tatlong araw nang pabalik-balik sa pila. 

Kumuha na ang PUP ng mga tauhan mula sa college registrar nila para umalalay sa high school registrar para mabawasan ang pila. 

Ayon sa PUP, hindi nila mapipigilan ang pagbabakasakali ng mga estudyante. 

"Pagka ganyang unang araw ng application eh siyempre hindi naman alam ng iba na dadagsa 'yung [iba], akala nila first come, first served," sabi ng PUP president na si Dr. Emmanuel de Guzman. 

Pero ayon sa Commission on Higher Education commissioner at pinuno ng PUP Board of Regents na si Ronald Adamat, dapat inasahan ng paaralan ang pagdagsa ng mga estudyante. 

"If I were them, kahapon pa lang kung may ganu'n na dapat in-open na agad nila ang additional windows so more students will be accommodated," aniya. 

Pero umalma ang PUP na may pagkakamali rin ang mga estudyante dahil last minute na sila umano kumuha ng requirements. 

Ani Adamat, dapat di rin daw payagan ang pag-camping ng mga estudyante sa mga ganoong sitwasyon. 

 -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.