'PDP-Laban exodus, inaasahan sa Kamara bago ang halalan'

ABS-CBN News

Posted at Jul 26 2018 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagkatapos patalsikin bilang House Speaker si Davao Del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, balak naman ng mga kongresistang layasan ang kaniyang pinamumunuang partido na PDP-Laban.

Ayon kay Deputy Speaker Rolando Andaya Jr., maaari silang umanib sa Hugpong ng Pagbabago (HNP), ang partidong binuo ni Davao City Mayor Sara Duterte. 

Mahalaga ito dahil sa partido manggagaling ang certificate of nomination and acceptance na kailangan sa halalan sa 2019. 

Pero dahil regional party lang ang HNP, posibleng sa isang koalisyong kasama ang isang national party sumapi ang mga politikong labas sa Davao region. 

"That could be a scenario. But 'yun nga, the fact is regional [party] pa lang and wala pa kong narinig na balita na Hugpong is a recognized national party na," ani Andaya. 

Samantala, sinabi naman ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel III, presidente ng PDP-Laban, na hahayaan lamang nilang lumipat sa ibang partido ang mga kanilang miyembro. 

"Let them go. Why the need to check loyalty? 'Yung act na nga nila of leaving is an act of disloyalty. We will let them go. Those who want to leave can leave," pahayag ni Pimentel.

PAGTALIKOD KAY ALVAREZ

Inamin naman ni AKO-Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe na ang alkalde ng Davao ang isa sa mga tiningnan ng mga kongresista nang ilaglag si Alvarez. 

"We do think so [na] may basbas ng Pangulo. Though walang direct or indirect na sinabi, we just read between the lines," rebelasyon ni Batocabe.

Ganito rin ang pananaw ni Senate Minority Leader Franklin Drilon.

"Walang naniniwala na magkakaroon ng pagbabago ng liderato sa Kamara kung walang basbas ng Pangulo...When calls were made by Mayor Sara, the congressmen assumed that this was with the authority of the President," ani Drilon. 

Pero giit ni Davao City Rep. Karlo Nograles, ang biglaang adjournment ng sesyon na pumigil sa inaasahang botohan noong Lunes ang tumulak sa mga kongresista na talikuran si Alvarez.

"Nagkaroon ng loss of trust and confidence. People were expecting a vote, you didn't allow a vote to happen. That created a lingering doubt. That lingering doubt is not good for the institution," ayon kay Nograles.

—Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.